Wednesday, December 08, 2010

Second (a re-post)

alas-singko pa lang ng umaga, dumadagundong na ang pakiramdam ko. dumaan ang alas-sais, ang almusal, hindi pa rin nagbabago. madilim sa kwarto ko at di makakapasok ang araw, pero parang nagliliwanag ang lahat kapag napapatingin ako sa salamin at naiisip kung bakit ako nandito.

masarap ang almusal, mainit at solb sa kwentuhan, relaks-relaks daw dapat at wag magpapanic pero sa bawat sulyap sa relos at nakikita ko ang pag-ikot ng bawat segundo, hindi siguro ako masisisi ng kahit sino kung me nagka-karera sa loob ng dibdib ko.

alas-syete.
alas-otso.
alas-nuwebe.

buti hindi nagrereklamo ang telepono ko sa maya't mayang tawag at text, buti hindi pa nagtatampo ang wallet ko sa maya't mayang pagdukot, pagbukas at pagtatago ulit.

alas-nuwebe y medya. kailangan ko nang maligo bago ko pa malimutang gawin ito, nakakahiya naman kung haharap akong di nalapatan ng shampoo at sabon ang katawan.

masarap ang tubig, mainit at solb na sabayan ng kanta... pero napunit ang pagkanta ng malalakas na katok sa pinto. nagulat syempre ako, at nakatapis ng tuwalya, tinakbo ko ang pinto, naramdaman ng balat ko ang lamig ng aircon at bumakat ang basa kong mga paa sa carpet, pagbukas ko ng pinto, sari-saring ingay ang bumalaga sa akin: "bakit ang tagal mo?" "ano bang ginagawa mo?" "kanina pa kami dito" "di mo sinasagot ang cellphone" "kinabahan tuloy kami" at kung ano-ano pa. naliligo po ako. pumasok at tumahimik na sila.

dumating na ang pamilya ko, isang batalyon! kasama ng mga kuwentuhan nila ang pagpasok ng maraming kaldero, mga pagkain (dito tayo magtatanghalian) at mga abubot pa. bumalik ako sa banyo at muli ring bumalik ang ingay, sila yata yung nate-tense hehe.

alas-diyes.

alas-onse. kailangang kumain ng maaga at baka makalimutan ko pa itong gawin.

alas-dose. buti hindi pa nagrereklamo ang kuwarto ko sa samu't saring ingay sa loob, buti kaya pa ng aircon ang dami ng tao, buti nakakapag-relaks ako sa gitna ng kaabalahan ng mga tao.

ala-una.

alas-dos. kailangan kong lumabas ng kwarto, kailangan kong maging presentable. at nakita ko sya, parang me kakaibang liwanag ang kanyang mukha, parang me mapang-aliping hatak ang kanyang ngiti. dun pa lang gusto ko nang mag-"I do..."
si lyn, napakaganda sa kanyang simpleng ayos, napakagaling ni Princess Misa na nag-make up sa kanya, lutang na lutang ang ganda nya at kumikinang ang kanyang mga mata. nahimasmasan lang ako ng me tumapik sa balikat ko, wag ko raw masyadong titigan at baka matunaw, mamaya pa ang kasal. :)

alas-dos y medya.
alas-tres. naramdaman ko ang init ng mga ilaw, me naramdaman akong ilang sa pagbibihis sa harap ng kamera pero awtomatiko ang paglabas ng ngiti at kalauna'y nasanay na rin ako. napigil ko pa ang luha ko nung kami ni mommy ang kuhanan ng litrato, pero sya naluha na, naalala namin si daddy.

alas-tres y medya. andaming tao sa Paco Park, lahat nakangiti, lahat bumabati, lahat kakilala ko.

alas-kwatro. marahil hindi lang dagundong ang nararamdaman ko, marahil hindi lang karera ang meron sa loob ng dibdib ko pero mas higit ang saya na bumabalot sa katawan ko, sa isip ko, sa dibdib ko.
hindi ko na nabilang kung ilang hakbang ang patungong altar, hindi ko na maisa-isa ang mga nadaanan kong nakangiti, hindi ko na rin nalaman kung gano kabilis o kabagal ang bawat ikot ng mga segundo dahil tumigil ang mundo ng makita ko si lyn na nakatayo na sa may pinto, sumisigaw ang ligaya na di kayang takpan ng kanyang puting belo.


sa pagyakap ko sa aking ina, di na nagpapigil ang mga luha.

sa paghalik ko sa mga kamay nina nanay at tatay, naging emosyonal ang paligid.

sa paghawak ko sa kamay ni lyn, doon na nagsimula ang aming pagiging isa.

December 8, 2010: second year anniversary namin. napakaraming dapat ipagpasalamat, at napakaraming dapat pasalamatan: ang Diyos, ang aming mga pamilya, ang aming mga kaibigan.

kung dati, dalawa lang kaming magsi-celebrate, ngayon meron nang isang napaka-cute na dagdag na syang isang nakakatuwang dahilan kung bakit minsan late ako sa trabaho hehehe.

Baby Merryn

Maraming salamat at samahan nyo kami sa marami pang mga taong magkahawak ang kamay.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails