Wednesday, August 06, 2008

---

gusto ko sanang magsimula sa pamamagitan ng pagpapatawa pero di ko namana ang sense of humor ng aking ama.

gusto ko sanang magbigay ng napakaraming papuri pero di ako makakita ng mga salitang susukat sa kanyang pagiging dakilang ama, mapagmahal na asawa, maaasahang kaibigan at mapagkakatiwalaang pulis na nagsilbi ng mahigit 25 taon sa ating bayan.

gusto ko sanang magkwento ng mga alaala nya pero wala akong maisip nang hindi tumutulo ang aking luha, wala akong maisulat nang hindi ako maiiyak.

gusto kong isipin na ang lahat ng nararamdaman nating lungkot, pagdadalamhati at pangungulila sa pagkawala ni daddy ay tulad ng tubig na normal na umaagos, normal na dumadaloy at normal na lumilipas, at ang lahat ng lungkot, dalamhati at pangungulila na nangingibabaw sa ating lahat ngayon ay aagusin at idadaloy ng panahon, at ang lahat ng ito ay lilipas sa takdang oras, sa takdang panahong ang Diyos lamang ang may alam kung kailan.

gusto kong isipin na bagamat iniwan na tayo ni daddy, nakatingin sya sa ating lahat ngayon nang nakangiti at maligaya sa kanyang nakikita na nandirito tayong lahat, at kahit sa kahuli-hulihang pagkakataon na masisilayan natin ang kanyang katawan, ay umaapaw pa rin ang pagpapakita ng pagmamahal, pagsuporta at pagpupugay kay daddy.

ang labis na kalungkutan na bumabalot sa amin ngayon ay paunti-unting hinuhubaran ng inyong taos-pusong pakikiramay at ang inyong mga dasal ang isa sa mga kinakapitan ngayon ng aming pamilya.

ayaw kong mamaalam sa yo, daddy dahil alam kong magkikita-kita pa tayo, maaaring hindi ngayon o bukas pero darating din na magkakasama-sama tayong muli. pero sa mga sandali na hindi ka namin makikita, sa mga minutong di namin maririnig ang yong boses, sa mga oras na di ka namin mahahawakan at mayayakap, mamimiss ka namin.

ngayon pa lang, namimiss at hinahanap ka na namin. mahal na mahal ka namin daddy.

NOTE: this is the speech that i prepared for the Luksang-Parangal for my father, who passed away on July 25, 2008 and was laid to rest on July 30, 2008. this is the speech/eulogy that i am about to say/read but can only manage to utter the first two paragraphs as the lump on my chest gets heavier and heavier as i go on talking, i just stopped and let my cousin read it for us. we are still grieving but we know that in God's time everything will be fine, and as we woke up each day, we know we're getting there.

i'll leave for a while but of course i'll be back, for the meantime, please pray with us for the eternal repose of the soul of my father, the Retired Master Sergeant Teodoro V. Perion.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails