makalipas ang limang minuto (at konting pictorial hehe) at habang walang ulan, ratrat na ulit kami paakyat. weird pero nakangiti na ang grupo, nagkaron bigla ng lakas na parang nakapag-almusal na kahit ang katotohanan ay ni aroma ng kape ay di muna namin maaamoy sa susunod na mahabang sandali.
sa patuloy naming pag-angat, putik na ang sumasalubong sa amin at paminsan-minsan di maiiwasan na may kasamang dulas, "oops" na lang muna ang pinaka-excuse me ngayon. at kung me halong swerte ang pagkakadulas, sakto ka sa dumi ng kabayo hahaha.
kahit nagtataasan ang mga talahib dito, masasabi pa rin na madali ang akyat na ito, walang ligaw, buhay ang trail at napupuno ang pandinig ng lagaslas ng tubig mula sa mga sapang tila nagbunyi sa iniluhang tubig ni egay.
nararamdaman kong medyo mataas na rin ang nilalakaran namin pero dahil sa kapal ng ulap at hamog at paminsan-minsang pag-ambon, hindi ko mahagilap kung ano ang nasa kabila ng tila pader ng kahamugan at kaulapan (hmm, medyo masagwang pakinggan yung kahamugan hahaha).
lakad, lakad, lakad... hanggang marating namin ang kubo ng isang ale na nauna pang mangumusta kung ayos lang ba ang pag-akyat namin. habang nagpapahinga kami at sabay na ring hinihintay ang mga sweeper (ito yung mga nasa hulihan, sa madaling salita, yung mababagal hehehe), nakita ko na mababait ang mga tao dito, sanay sa mga umaakyat kumbaga at kung makipagkwentuhan ay parang dun ka lang sa kabilang kanto nakatira. pinaunahan na rin kami na hindi magandang magsummit ngayon dahil napaka-dulas at "maraming tubig sa itaas". pag-uusapan namin ito pagdating sa campsite.
gumanda na ang panahon, na bagamat makulimlim pa rin (at di pa rin nabubura sa mga puyat naming isipan ang pagkasaya-sayang traffic sa bacoor) ay nakikita na ang kapaligiran, umaangat na ang mga ulap at nagpaparamdam pa rin ang lamig ng hangin.
konting lakad na lang ito, konting angat pa at campsite na. bumilis ang lakad namin, parang may himig ang bawat pagyapak namin sa putik at bawat paghawi ng talahib. tumutulo man ang pawis ay tila bitamina namang nagpapalakas ang sariwang hangin at ang bango ng mga damo't halamang nagdiriwang sa masaganang pagkakadilig.
wala kaming inaasahang river crossing pero dala marahil ng ilang araw na pag-ulan, nagkaron ng konting rapids ang munting sapa na aming dadaanan.
at matapos ang ilang oras na lakad (dalawa o mahigit yata), nakarating kami ng camp 1, at mabilisang kilos ang aming ginawa upang makapag-ayos ng tent (na kahit ilang oras lang ang itatagal namin dito), makapagluto, makapagkape (yeheey) at makakain.
ansarap dito sa taas.
mula sa kinalalagyan namin ay mahigit 30 minuto pang lakad paakyat ng summit na tila nahihiyang magpakita at nagtatago sa balumbon ng ulap. dumating ang caretaker ng campsite (na me dalang mga pipino na kasing laki ng upo at P5 lang ang isa) at tulad nung ale na nadaanan namin, hindi nya kami pinayagang magsummit dahil napakadelikado ng dadaanan na bukod sa matarik ay sobrang dulas ng lupa na magkahalong bato, buhangin, tubig at putik.
at kelangan pa naming magbayad pala ng P20 sa registration hehehe.
hindi na rin kami nangahas umangat pa, inubos na lang namin ang natitirang oras sa campsite sa pagkain at ang iba naman ay nag-inom ng gin (nagpa-excuse na lang muna ako sa tagay dahil di po ako umiinom ng gin).
ang dating tahimik na lugar ay napalitan ng mga tawanan at magkakahalong boses ng mga ngayon pa lang lubusang nagkakakilanlan.
alas onse ng umaga, halos dose oras matapos umapak ng bacoor (eto na naman, talagang di malimutan), kasabay ng ihip ng hangin ay tila mga dulo ng tinidor ang nagpakita sa itaas ng bundok, ang summit na ang sumilip sa amin at tila nakangiti at nagsusumigaw: picturan nyo ako!!!
ang tawanan ay lalo pang nadagdagan habang tila mga sabik sa picture na nagpose ang mga puyat, putikan, gutom (pero busog na) at ilang lasing na pasaway.
pasado alas dose, matapos kumain ay nag-break camp na kami, di na namin kelangang hintayin pa ang ulan (anlakas ng ulan sa manila ng ganitong oras) at kelangang samantalahin ang magandang panahon para na rin higit naming makita ang gandang ipinagmamalaki ng lugar na ito (at gusto ko na ring maligo hehehe).
isang pila kaming bumaba, binagtas ang daang ngayon ay kinakikitaan na ng mga yapak, ang mga talahib na dati'y humaharang ay tila nagbibigay pugay na sa pagyukod. nilingon ko ang summit, di na sya ngayon nahihiyang magpakita, tila ba nagbabantay sa pagbaba namin, tila ba nagpapaalam at nagsasabing balikan nyo ako.
naging mabilis na ang lahat, sandaling pahinga lang ang kelangan at naging tuloy-tuloy na ang aming lakad, at kapag me pagkakataon, tumitigil ako para pagbigyan ang tawag ng kating-kati kong mga daliri sa pagpindot sa minamahal kong camera.
tama ang desisyon naming bumaba ng maaga sapagkat ngayon ay nakikita na namin kung ano ang nagtatago ngayong nahawi na ang mga ulap (parang pelikula hehehe) na tumatakip sa napakagandang tagpo na minsan lang natin nakikita.
(halatang di handa, kelangang garbage bag ang cover ng bag? hehehe)
sa pagtapak kong muli sa sementadong lugar ng evercrest, kung saan sumingit ang katanungang bakit ko nga ba ginagawa ito. di ko rin alam kung paano sagutin ito, pero kapag nandun ka sa itaas, at pinagmamasdan ang kagandahan ng paligid, dun mo nakikita na napakagaling ng Diyos at napaka-swerte nating mga tao na pagkalooban ng mundong binuo para alagaan at mahalin.
maaring di ako yayaman sa sinimulan kong ito, maaaring sakit ng katawan at pasma ang aabutin ko bukod pa sa tambak na putikang labahan ang iniuuwi ko na lalong nagpapasakit ng katawan ko, maaaring walang katapusang "bakit nyo ba ginagawa yan?" ang marinig ko, pero di nito kayang itumba ang pakiramdam na nagawa ko ang di kayang gawin ng iba, na nilakaran ko ang putik na iniiwasan ng ilan, na mas makita ko kung gano tayo kaliit kumpara sa mundo at kung ano yung dapat nating gawin para pangalagaan ang kagandahang ito.
(una pa lang ito, maraming pang susunod na akyat)
19 comments:
Wow, it's worth all the trouble naman pala. Ang ganda. I'm sure the pictures don't quite capture the beauty of the place (that's not to say tho' that you didn't do a very good job)- pero feel ko ang aura ng place just looking at the pics.
What an adventure Zherwin.
So ano na ang susunod? Mt Apo? Then Mt Everest? Mukhang masaya naman yung grupo, lalo na't nakasama mong dumaan sa hirap. :-)
Really enjoyed your two-part post. Medyo nahasa nga ng konti yung Tagalog ko eh, haha. :-D
BTW, kelangan mo na sigurong bilhin yung dslr na camera, hehe. Check out the Olympus models, they have an extra lens ( yung zoom lens pa ha?) for you as a promo if you buy one.
Have a great weekend, Zherwin
i enjoyed looking at the pictures, ganda ng kuha despite of the weather. buti naman at nakinig kayo sa caretaker. at least, you got to savor the beauty and the magnificence of the place for several hours. it was worth the trip naman. mukhang ang sarap ng kain ninyo.
Buti na lang di kayo umakyat sa summit ng umuualan dahil medyo me delikadong portion dun. Balik na lang kayo pag maganda panahon. Pero natuwa ako sa narration mo. Minsan ganyan din naiisip ko pag nag cl climb? Bakit ba ko umaakyat ng bundok at naghahanap ng sakit ng katawan. hahaha. Pero buti na lng, kahit masama panahon nakakuha ka ng magagandang pictures
ang galing naman ng iyong storytelling. ano kaya gawin mong vid yang mga pics kahit slideshow tas basahin mo yang text mo? :)
i agree with you. sa ganda ng ating kapaligiran kelangan nating alagaan ito. sige, akyat lang nang akyat =)
I envy you. I've been dreaming of climbing mountains but till nowI haven't done it yet. I easily get fatigued because of my heart ailment but you're corect. It's a different perspective up there. The view is breathtaking and the experience is cathartic.
gina, totoo, hindi kayang i-justify ng pictures yung ganda ng lugar. this is just the first climb, marami pa (maraming na'ng) susunod/sumunod. :)
sngl, ang mga susunod? beachineering, tree planting, limatics republic, extreme sports tapos mt. pulag! hehehe.
i am already considering olympus because it's lighter pero ewan ko ba, better pa rin talaga ang nikon...
belle, food no matter how simple will be gastronomical with a good company. we didn't push our luck on reaching the summit, better be safe than sorry. :)
ferdz, tama, pwede namang balikan ang batulao, di naman yan aalis hehehe.
yan ang kagandahan ng point and shoot, pwedeng isingit kahit medyo masama ang panahon hehehe. (i was opted to bring my slr kaso ambigat!)
carlotta, magandang ideya yan kaso masisira yung pictures dahil sa boses ko hahaha.
abaniko, there are mountains that are hiker-friendly, and you can climb naman with your own pace. but we also need to condition ourselves physically and mentally kahit madali lang yung climb. if you are up there with a 360 degree view of everything, amazing, just amazing. :)
brrrrr. naalala ko iyong first major climb ko. mt. cristobal. bad mountain tawag nila. binagyo kami. brrrrrr.
i agree with the reasons you cited for climbing. nothing beats the feeling of seeing the beauty of nature up close. kahit iyong maliit na bulaklak sa trail, gandang-ganda ako. climbing is a religious experience for me.
Ang galing-galing mo talaga kumuha Zherwin! Favorite ko yung ilog achaka yung paru-paro. Ang ganda-ganda talaga sa Batulao! Salamat sa pagdala sa'min jan.
Buti hindi ako totoong kasama... siguradong sweeper ako. :)
atticus, namimili pa kami kung cristobal o natib next week. yung kasamahan ko nung huling mag-cristobal sila, me nakita syang tikbalang hehehe. :)
toe, simula pa lang yan, naku mas exciting yung mga sumunod na akyat! abangan...
intsik, sa una lang naman yan mahirap pag tumatagal na, ayun, mahirap pa rin sya hehehe. :) pero, enjoy at kakaibang experience kapag nandun na sa taas.
Hi win-win! musta ka na? ang astig naman ng ganitong lakwatsa! ang tagal ko ng gustong mag mountain climbing pero di ko pa nasubukan...maisama nga yan sa wish list ko next year.
zelle, sige next year mag-basic mountaineering course ka, recruit na kita hehe
Post a Comment