hindi ito tungkol sa limatik pero warning na rin, wag basahin kung takot sa dugo.
noong huwebes, nalimutan kong ilabas mula sa freezer yung burger patties na lulutuin ko kaya pagdating ko sa bahay kinagabihan, matigas yung patties. palalambutin ko muna sana para madaling mahiwalay pero naisip kong matatagalan pa yun kaya sundot-sundotin na lang ng kutsilyo para mabilis...
unang patty, tagumpay, naihiwalay ko mula sa limang magkapatong...
ikalawang patty, okey din.
ikatlo, uhm, medyo matigas kasi gitna ito. medyo nilakasan ko ng konti yung sundot, nilagyan ng diin yung kutsilyo at KATSAK!!!!
lumampas sa patties yung kutsilyo, diretso sa palad ko! arrggh!
kung anong bilis ng pagkatusok ng kutsilyo sa palad ko ay sya ring bilis ng pagbunot ko at kasunod nito'y bumulwak ang dugo sa palad ko. shit! nilagyan ko agad ng towel para matigil yung pagdugo. kabado pero pasok agad ako sa kwarto para kunin ang first aid kit ko. medyo napatigil ko yung dugo sa palad ko pero bakit meron pa ring tumutulo sa sahig?
leche! lumampas pala yung kutsilyo hanggang sa pagitan ng hintuturo at middle finger ko!
di ko na ito kakayanin, kelangan ko nang pumunta sa hospital, hanap ng shorts na pang-ibabaw sa boxer shorts (ayaw ko namang sumugod sa emergency na parang hubo hehehe), nakasando at suot ay kulay dilaw na feathery slippers (natatawa ako pag naaalala ko) ay tumawag ako ng tricycle at nagpahatid sa hospital.
mga sampung minuto yata akong dinudugo bago makarating ng hospital dahil naabutan ko ang buntot ng traffic papuntang highway. (kabado yung kapitbahay kong driver sa akin: kuya, okey ka lang? ako: malayo to sa bituka, okey lang)
eksena sa emergency room:
guard: anong nangyari dyan? (sabay bukas ng pinto)
ako: aksidenteng natusok ng kutsilyo.
pagpasok ko ng ER (sosyal hehe)
unang nurse: anong nangyari dyan?
ako: aksidenteng natusok ng kutsilyo
UN: hugasan mo muna sir (at sinamahan ako sa lababo)
at habang hinuhugasan ko ang mga sugat ko, ang hapdi ng tubig ha! dumugo na naman!!!!
MGA NURSE: anong nangyari dyan?
ako: aksidenteng natusok ng kutsilyo.
Unang doktor: anong nangyari dyan?
ako: aksidenteng natusok ng kutsilyo.
UD: panong aksidente? nakipag-away ka?
ako: no (talagang ingles ha, at ikinuwento ko ang mga pangyayari).
at paulit-ulit na same question, same answer, same story ang nangyari habang nililinis ang mga sugat ko, binigyan ng first shot ng anti-tetanus, kinuha bp ko, body temperature, weight (kelangan talaga? nalaman ko tuloy bumibigat na naman ako!) at tinest kung me allergy ako sa anesthesia.
dumating na yung doktor na magtatahi ng sugat ko, at...
Dok: anong nangyari dyan? (wahahahaha)
ako: (wahahahaha)
ayun, matagumpay naman ang pagtatahi, parang pamingwit ng isda yung ginamit, merong hook! me ginupit pa syang konting laman at diniinan pa yung sugat para mabawasan yung pagdurugo (buti na lang me anesthesia, kundi baka me umaatungal sa sakit dun).
four stitches sa palad at three sa likod. tagos!
medyo gumagaling na sila, at nakakapag-type na rin yung left hand ko.
on the bright side, natuwa na ako sa sarili ko, di ako nagpanic. at alam ko kung anong gagawin at kung anong kukunin ko. nagawa ko pang magsarado ng bintana at mag-check ng mga lock ng pinto bago ako pumuntang hospital (yun nga lang, feathery slipper pa rin ang suot ko hehe), nakarating at nakaalis ako ng ER ng kalmante, nakipag-usap ng maayos, nakipagtawanan pa sa mga magagaling na nurse at doktor habang nililinis at tinatahi ang mga sugat ko.
pinoy nga ako, nagagawa ko pang tawanan ang sakit!